Posibleng matugunan ng Commission on Elections (Comelec) ang inaasahang tatlong milyong bagong rehistradong botante para sa 2025 midterm polls sa susunod na buwan
Ito ang kinumpirma ni Elections chairman George Garcia sa harap ng mga kawani ng media kahapon.
Sa isang panayam, natanong si Garcia kung kailan maabot ang tatlong milyong target.
Tugon ni Garcia dito ay maaari aniyang maabot ito sa buwan ng hunyo ng kasalukuyang taon at nagpapatuloy pa rin ang voters registration para sa mga bagong botante.
Sinabi ni Garcia na inaasahan ng Comelec ang 3.3 hanggang 3.4 milyong aplikante sa Setyembre 30, ang huling araw ng registration period.
Batay sa pinakahuling datos ng Comelec, mayroon na ngayong 2,725,089 na aplikante para maging rehistradong botante na nag-file sa pagitan ng Pebrero 12 hanggang Mayo 7.
Ang Calabarzon pa rin ang may pinakamaraming bilang ng mga aplikante na may 493,392; sinundan ng National Capital Region na may 420,212; at Central Luzon na may 314,324.
Ang iba pang rehiyon na may mahigit 100,000 aplikante ay Central Visayas (190,393), Davao Region (150,111), Western Visayas (142,742), Northern Mindanao (132,449), Soccsksargen (113,191), Bicol Region (113,139), Ilocos Region (103,884), at Zamboanga Peninsula (103,402).
Ang may pinakamababang bilang ng mga nagparehistro, sa kabilang banda, ay ang Cordillera Administrative Region na may 34,608; Mimaropa na may 67,670; at Caraga na may 70,147.