Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa mahigit apat na libong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Region 2 ang matagumpay na nagtapos sa naturang programa noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng DSWD Region 2, aabot sa kabuuang 4,333 na pamilya ang matagumpay na nakapagtapos sa isinagawang 50 graduation ceremonies.
Dumalo sa naturang seremonya ang mga opisyal ng DSWD Region 2.
Ipinagmalaki naman ni Regional Director Lucia Alan na ang tagumpay na ito ay hindi lamang mula sa inisyatiba ng kanilang ahensya.
Ito ay sa kabuuan rin ng buong pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan, national government agencies, civil society organizations at iba pang partner stakeholders.
Sa naturang pagtatapos, pinarangalan din ang aabot sa 611 4Ps children at benepisyaryo ng Expanded Students Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation matapos nitong makumpleto ang kanilang tertiary education, nakapasa sa board exams at ngayo’y mga propesyonal na ang mga ito.