Umabot umano sa 4.1-milyong Pilipino ang na-stranded kasunod ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) ng pamahalaan para pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), ayon sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Mayo 4 hanggang 10 sa 4,010 respondents, napag-alaman na 5.4% ng working-age na mga Filipino o nasa 15-anyos pataas ang hindi nananatili sa kanilang permanenteng tirahan sa panahon sa lockdown.
Ayon sa SWS, nakapagtala ang Balance Luzon ng pinakamataas na bilang ng mga stranded na nasa 1.8-milyon.
Sumegunda naman ang Mindanao na may 1.1-milyon; 710,000 sa Visayas; at 490,000 sa Metro Manila.
Napag-alaman din sa survey na 2-milyong Pinoy ang stranded sa mga lugar sa ilalim sa ng ECQ, habang 2.1-milyon naman ang nasa lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).