-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaabot sa 46 na barangay chairman ang sasampahan ng kaso ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa pangangampanya sa mga kandidato sa national at local elections.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay DILG Undesecretary Epimaco Densing III, sinabi nito na batay sa Joint Resolution 1600298 ng Civil Service Commission at Commission on Elections, mahigpit na ipinagbawal ang pakikilahok sa electioneering at partisan political activity.

USEC DENSING / FB POST

Ayon kay Densing, napapaloob din sa Section 261 ng Omnibus Election Code na mananagot sa batas ang sinumang public officers at employees na mahuling nangangampanya.

Sa ilalim ng Sec. 264, maaring makulong ng isa at hindi lalampas sa anim na taon ang mapatunayang lumabag sa batas.

Nanawagan pa ang DILG official sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kapag maaktuhan ang isang barangay official na nangangampanya.

Nararapat aniya na kunan ng litrato at lagyan ng caption, petsa at lugar kung saan nangyari ang pangangampanya, at ipadala ito sa email address na bantaykorapsyon@gmail.com o kaya’y ipadala mismo sa DILG.