-- Advertisements --

Iprinisinta nina Philippines National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa at ni PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) director S/Supt. Glen Dumlao sa media ang naarestong 43 foreign nationals ngayong araw.

Ito’y matapos mailigtas ng PNP-AKG ang isang Singaporean national na nakilalang si Wu Yan, 48-anyos at ang pagkakahuli sa 44 na dayuhuang suspek sa pagdukot sa biktima sa Paranaque City.

Nabatid na at large pa rin hanggang sa ngayon ang mastermind ng grupo na nakilalang si Chen DeQin.

Ayon sa PNP chief, noong July 17 habang naglalaro sa isang casino ang biktimang babae, kinaibigan siya ng dalawang Malaysian na sina Ng Yu Meng at Goh Kok Teong at inimbitahan na maglaro siya sa kalapit na casino.

Gayunman, hindi siya dinala sa casino, bagkus ay sa isa sa mga kuwarto sa Bayview International condominiums sa Roxas Boulevard at hiningan ng $180,000 ransom money kapalit ng kaniyang kalayaan.

Kaagad naman rumisponde ang PNP-AKG sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration at nagsagawa sila ng follow-up operations kung saan na-rescue ang biktima at nadakip ang 2 Malaysians at 41 Chinese nationals na naka-billet sa iba’t ibang rooms sa nasabing condominium.

Kahapon in-inquest na ang 43 suspek na pawang banyaga at kabilang sa isang cell ng Loan Shark syndicate na kumikilos sa mga casino at entertainment city.