-- Advertisements --

Nakahanda na ang nasa 41,000 na mga security forces at force multipliers para pangalagaan ang  seguridad sa ASEAN Summit na nakatakda sa April 26-29 ng taong ito na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC).

Simula bukas idedeploy na ang mga pulis at sundalo sa ibat-ibang designated areas kung saan gaganapin ang ASEAN Summit.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Director Oscar Albayalde na nasa 26,000 na mga unipormadong pulis at sundalo ang kanilang idedeploy sa ASEAN Summit.

Nasa 15,000 naman mula sa force multipliers mula sa ibat ibang ahensiya ng pamahalan.
Kaninang umaga isinagawa ang send-off ceremony sa Quirino Grandstand para sa lahat ng security and emergency response forces para sa ASEAN Summit.

Tiniyak ni Albayalde na handang handa na sila para sa pagbibigay seguridad upang matiyak ang seguridad ng lahat ng mga dadalong state leaders at mga delegado nito.

Sinabi ni Albayalde na wala silang namomonitor na anumang banta sa ASEAN Summit.

May augmentation force din na ipinadala mula sa Region 1, 3 at 4.

Ipapatupad din ang no fly zone at no sail zone habang idinaraos ang nasabing okasyon.

Sa kabilang dako, ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Dionardo Carlos ang send-off ceremony ay upang ipakita ang kahandaan ng security forces sa pagbibigay seguridad.

Nakahanda na rin ang pwersa ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na siyang inatasang magbigay seguridad lalo na sa convoy ng mga head of states.