DAVAO CITY – Kinumpirma ng Davao City Health Office (DCHO) na nasa 41 mga kabataan na nasa Bahay Pag-asa sa lungsod ng Davao ang kinapitan ng COVID-19.
Ayon kay DCHO officer-in-charge Ashley Lopez, sinasabing nasa 99 na mga kabataan ang isinailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test at lumabas sa resulta na higit 40 sa mga ito ang nagpositibo sa coronavirus.
Ang Bahay Pag-asa ay isang temporary shelter sa mga kabataan na kabilang sa Children in Conflict with the Law (CICL).
Sinasabing dahil umano sa dami ng bilang ng mga nagpositibo, idineklara ngayon na may COVID-19 outbreak sa nasabing pasilidad.
Sa kasalukuyan, naka-isolate na ang mga kabataan at binibigay naman ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan.
Wala namang nabanggit si Lopez kung ang nasabing mga pasyente ay asymptomatic o may nakitang mga sintomas.
Nagsagawa na rin ngayon ng contact tracing sa Bahay Pag-asa sa mga huling nakasamuha ng mga bata.