Inanunsyo ng pamunuan ng Bureau of Corrections na aabot sa apatnapu’t walong PDL mula sa New Bilibid Prison ang matagumpay na inilipat sa Leyte Regional Prison nitong Linggo.
Ito ang ginawang kumpirmasyon ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Ayon kay Catapang, ang patuloy na paglipat ng mga PDL mula sa NBP patungo sa iba pang mga operating prisons at penal farms sa labas ng Metro Manila ay bahagi ng kanilang pagsisikap na i-decongest ang NBP.
Layon rin nito na mapaghandaan ang pagsasara ng national penitentiary sa 2028.
Paliwanag ng opisyal, ang naturang paglilipat ng 48 na PDL ay nagsimula noong Biyernes ng nakaraang linggo at dumating ito sa Leyte Regional Priso noong Sabado ng hapon.
Sinabi pa ni Catapang na 23 sa mga inilipat na PDL ay nagmula sa Maximum Security Compound ng NBP habang ang natitirang 25 ay mula sa medium-security prison.
Kung maaalala, nauna nang sinabi ni Catapang na ang NBP ay gagawing government center kapag nailipat na ang lahat ng mga preso.