KORONADAL CITY- Umabot sa mahigit 40 tonelada ng isda mula sa limang ektaryang palaisdaan sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato ang muling tinamaan ng fish kill kaya’at agad nagsagawa ng emergency harvest ang mga fish cage operators.
Ito ang inihayag ni Lake Warden Rudy Muyco sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Muyco, labis na naapektuhan ang mga mga fish cages sa Barangay Poblacion o 30% ng lake area kung saan nasa mahigit P10 milyon na rin ang naitalang inisyal na pinsala.
Dagdag pa ni Muyco na dahil sa dikit-dikit na mga fish nets at masamang lagay ng panahon, bumaba ang dissolve oxygen sa lawa na naging dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Karamihan sa mga namatay ay mga maliliit na tilapia kaya napilitan din ang mga fish cage operators na magsagawa ng emergency harvest upang mapakinabangan pa ang mga natitirang tilapia.
Sa ngayon nasa P 30 hanggang P 50 per kilo ang maliliit na tilapia, habang nasa P 90 hanggang P 120 per kilo naman ang malalaking isda.
Ipinasiguro naman ni Muyco na hanggat buhay pa na nahuli ang isda ay safe pa itong kainin.