VIGAN CITY – Mahigpit na binabantayan at minomonitor ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang aabot sa 450 barangay sa ilang rehiyon sa bansa na natukoy na flood-prone at landslide-prone area dahil sa inaasahang paglandfall ng Bagyo Ramon mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni NDRRMC- Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na ang mga nasabing barangay na kanilang binabantayan sa banta ng baha at pagguho ng lupa ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, MIMAROPA at ilang bahagi ng Northern Samar.
Kasabay nito, tiniyak ni Timbal na nakahanda at nakapuwesto na umano ang mga emergency response team na kaagad na magreresponde kung kinakailangan, lalo na sa bahagi ng Isabela- Cagayan area na posibleng labis na maapektuhan ng nasabing bagyo.
Nauna nang sinabi ni Timbal na mahigpit ang kanilang coordination at monitoring sa mga local government unit sa Northern Luzon, lalo na sa bahagi ng Isabela- Cagayan area bilang paghahanda sa inaasahang paglandfall ng nasabing bagyo.
Una rito, nagsagawa na umano ang NDRRMC ng pre-disaster risk assessment dahil tatamaan kasi ng paparating na bagyo ang mga lugar na una nang napinsala ng Bagyong Quiel.