KALIBO, Aklan – Halos 429 Chinese national na nasa Boracay ang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, dahil sa kanilang travel history mula sa China sa nakalipas na 14 na araw.
Kaugnay pa rin ito sa binabantayang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD) na biglaang nagpabagsak sa turismo at ekonomiya sa nasabing isla at sa buong bayan.
Dahil dito, mas pinaigting ng binuong Inter-Agency Task Force Against 2019 novel coronavirus ang kanilang education and information campaign sa lahat ng sektor para makaiwas sa naturang sakit.
Samantala, muling iginiit ni Malay acting Mayor Frolibar Bautista na nananatiling “n-cov” free ang kanilang bayan at ang buong lalawigan ng Aklan kaya walang dapat na ikatakot ang mga turista na nagbabalak na pumunta sa Boracay.
Nabatid na malaki ang naging epekto ng n-cov scare sa isla kung saan bumaba ang tourist arrival sa mga nakalipas na araw na nag-udyok sa mga negosyanteng Chinese na magsara na lamang ng kanilang negosyo.
Sa kasalukuyan, nananatili ang travel ban sa China, Hong Kong at Macau, na may kaso ng n-cov.