Muling binigyang-diin ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez, Jr. na iligal at mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng booster shots sa bansa gamit ang Covid-19 vaccines na binili ng national government lalo na at nasa 10 percent pa lamang sa buong populasyon ng Pilipinas ang fully vaccinated.
Aniya, nasa 90 million Filipinos pa ang target mabakunahan ng gobyerno.
Ang pahayag na ito ni Galvez ay kasunod sa pagdating ng nasa 469,200 doses ng American-made Moderna vaccine kahapon.
Aminado naman ang kalihim na kailangan pa rin booster shots ng Covid-19 vaccine at dapat may spacing ito ng 9 months hanggang isang taon para mas magiging epektibo ito.
Siniguro din ni Galvez na mananagot sa batas ang mga vaccine hoppers lalo na sa mga indibidwal na nagpaparehistro sa ibang mga siyudad para makakuha ng higit dalawang vaccine doses.
Giit ni Galvez ang vaccine hopping ay illegal at ang vaccine hoppers ay immoral dahil lahat ng bakuna ay itinuturing ginto at hindi ito basta-bastang sinasayang dahil nais ng gobyerno na lahat ng Pilipino ay mabakunahan.
Sa ngayon iniimbestigahan na ang insidenteng vaccine hopping.
Samantala, inihayag ni Galvez na ang bagong dating na Moderna vaccines kahapon, 319,200 doses dito ay procured ng Philippine government habang ang 150,000 ay binili ng private sector sa pangunguna ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI).
Pinasalamatan naman ni Galvez ang US govt at Moderna sa patuloy nitong shipment ng mga bakuna sa bansa.
Sinalubong ni Galvez at Clare Bea, unit chief, US Embassy’s Environment, Science, Technology, and Health; Dr. Maria Soledad Antonio, director, DOH-Bureau of International Health Cooperation; at Dr. Ariel Valencia, director, DOH ang pagdating ng Moderna vaccine kahapon sa NAIA Terminal 3.
Inihayag naman ni Galvez na patuloy na pinag aaralan ng gobyerno para mabakunahan na ang mga bata may edad 12 anyos hanggang 17 anyos lalo na yung mga batang may comorbidities.
Iniulat naman ng pamunuan ng PGH na karamihan sa mga batang admitted at infected ng Covid 19 ay nakakarekober na.