Nasa 419 na pamilya ang nagsilikas dahil sa hagupit ng Bagyong Ofel sa ilang mga bayan sa Calabarzon, Mimaropa at Region 5.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, sa region 5 nasa 127 pamilya ang inilikas mula sa 10 barangays na matatagpuan sa mga landslide at flood-prone areas partikular sa mga lugar sa Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon.
Ang mga nagsilikas ay kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation centers.
Wala namang naitala na casualties sa nasabing rehiyon.
Dagdag pa ni Timbal, sa Region 4A Calabarzon, nasa 134 pamilya ang inilikas din at kasalukuyang nasa 13 evacuation centers sa Lucena City; Quezon; Bauan,Batangas at Los Banos, Laguna.
Nasa 199 na mga katao ang stranded sa mga pier ng rehiyon, ilang spillway sa Lucena City ang hindi madaanan.
Ongoing pa rin ang clearing operations sa mga lugar na binagsakan ng mga puno dahil sa malakas na hangin sa bayan ng Quezon.
Sa MIMAROPA, 158 pamilya o katumbas ng 665 indibidwal ang napilitan rin lumikas sa kanilang mga bahay.
Ang mga lumikas ay mula sa bayan ng Puerto Galera, Bulalacao, Calapan at Baco na ngayon ay pansamatalang nanatili sa mga evacuation centers.
Sa ngayon nagpapatuloy ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ofel para mabigyang ayuda ang mga apektadong pamilya.