Hinuli ng mga pulis ang mahigit sa 4,000 katao na lumahok sa mga malawakang kilos-protesta sa Moscow at sa iba pang bahagi ng Russia bilang suporta sa ikinulong na kritiko ng Kremlin na si Alexei Navalny.
Hindi inalintana ng mga demonstrador ang napakalamig na panahon at napakalaking bilang ng mga pulis upang ihirit ang paglaya ng opposition leader.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng mga protesta na bahagi ng kampanya ng oposisyon upang subukang i-pressure ang Kremlin na palayain ang sinasabing pinakaprominenteng kalaban sa pulitika ni President Vladimir Putin.
Ayon sa datos na nakalap ng protest monitoring group na OVD-Info, nasa mahigit 4,000 na ang kabuuang bilang ng mga dinampot na ralyista sa 85 siyudad sa buong bansa, kasama na ang 1,167 sa Moscow at 862 sa St Petersburg.
Inaasahan pa umanong tataas ang nasabing numero.
Kabilang din sa mga inaresto ang asawa ni Alexei na si Yulia Navalnaya.
“If we stay quiet, then they could come for any of us tomorrow,” saad nito sa Instagram bago lumahok sa kilos-protesta.
Una rito, kinulong si Navalny sa pagbalik nito sa Russia matapos maka-recover mula sa tangkang pagpatay sa kanya gamit ang nerve agent.
Sinisi ni Navalny ang security services sa naturang pag-atake, ngunit mariin naman itong itinanggi ng Kremlin. (Reuters/ BBC)