Pumalo sa umano 4,251 na mga drug suspects ang nasawi sa dalawang taon nang giyera kontra droga ng gobyerno sa ilaliim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa dating hepe ng Directorate for Operations at ngayon ay NCRPO chief P/Dir. Camilo Cascolan, ang nasabing bilang ay mula sa datos ng real numbers.
Nasa 142,069 drug suspects ang naaresto sa 98,799 na anti-drug operations na isinagawa mula July 1, 2017 hanggang April 30, 2018.
Pumalo naman sa 2,676.60 kilos ng shabu ang nasabat sa mga operasyon kung saan pumapatak ito ng P13.31-bilyon.
Umabot naman sa P20.23 bilyong halaga ng mga kemikal at gamit sa paggawa ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga otoridad loob ng nasabing panahon.
Iniulat din ni Cascolan na nasa 504 na mga government workers umano ang nahuli dahil sa iligal na droga.
Sa nasabing bilang, 239 dito ay mga government employees, 237 ang elected officials at 48 ang uniformed personel.
Sa kabilang dako, batay naman sa datos ng Directorate for Investigation and Dectective Management, nasa 49,034 na mga kaso ang naisampa na sa korte habang 75,336 ay referred na sa prosecution.