TUGUEGARAO CITY – Wala umanong magagawa ang dating general manager ng Small Town Lottery sa Cagayan sa pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng lotto at STL outlets sa bansa.
Sinabi ni Mayor Miguel Decena ng Enrile, Cagayan na nakakalungkot man ang kautusan ay wala silang magagawa kundi ang tumalima.
Ayon kay Decena, 4,000 na sales agent at 309 na staff ng mga lotto at STL ang nawalan ng trabaho.
Bukod dito, sinabi niya na sayang din ang naibibigay nilang pondo sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na P2.4-milyon kada buwan.
Aniya, ang Cagayan ang pangalawa sa mga lalawigan sa buong bansa na may malaking remittance sa PCSO.
Nasa 36 na lotto at STL outlets ang isinara nitong Sabado ng umaga ng mga pulis ng Cagayan sa pangunguna ni P/Col. Ignacio Cumigad.