-- Advertisements --

Bilang bahagi pa rin ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para magpaabot ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad sa Davao Region, inihatid ng National Resource and Logistics Management Bureau ng DSWD ang aabot sa 40,800 Family Food Packs sa nasabing rehiyon.

Ang naturang food packs ay isinakay sa BRP Davao del Sur (LD602) ng Philippine Navy.

Personal na sinaksihan nina Naval Forces Eastern Mindanao Deputy Commander, Captain Constancio Arturo Reyes, BRP Davao del Sur Commanding Officer, Commander Marco DJ Sandalo, DSWD XI Regional Director Atty. Vanessa Goc-ong, at Globalports Davao Terminal Operations Manager, Mark Lester Tan ang pag diskarga sa naturang Family Food Packs sa Global Ports Davao Terminal.

Nanguna naman ang mga tauhan ng Naval Forces Eastern Mindanao sa transportasyon sa paghahakot ng Family Food Packs.

Dinala ang mga ito sa DSWD XI warehouse.

Ito ay nakatakdang ipamahagi sa sa mga komunidad na naapektuhan ng shear line at trough ng Low Pressure Area.