-- Advertisements --

Mahigit 45,000 katao ang apektado ng pananalasa ng Tropical Storm “Agaton” ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa kanilang latest report, sinabi ng NDRRMC na 38,399 families o 45,588 indibidwal ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa Visayas at Mindanao.

Mahigit 23,000 pamilya ang lumikas dahil sa bagyo, kung saan 3,228 ang nananatili sa mga evacuation centers at 20,613 naman ang nasa labas ng mga pasilidad na ito.

Dalawang katao ang kumpirmadong nagtamo ng injury sa pananalasa ng bagyo, at kapwa galing ang mga ito sa Region 10.

Nasa P847,000 halaga ng pinsala sa agrikultura sa BARMM ang iniulat din ng NDRRMC, matapos na mapinsala ang 230 ektara ng pananim sa rehiyon.

Samantala, ang Trento sa Agusan del Sur ay inilagay na sa ilalim ng state of calamity dahil sa bagyo.

Kaninang alas-4:00 ng hapon, namataan ang mata ng bagyo sa coastal waters ng Lawaan, Eastern Samar.

Kumikilos ito pakalanluran sa bilis na 35 kph, may maximum sustained winds na 75 kph at pagbugso na aabot naman sa 105 kph.