LEGAZPI CITY – Sa evacuation centers na sinalubong ang Bagong Taon ng nasa 451 na mga pamilya o 1,232 na mga indibidwal sa ilang lalawigan sa Bicol.
Kasunod ito ng mga pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng rehiyon dahil sa walang patid na malakas na mga pag-ulan, kasabay ng pagpalit ng taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol spokesperson Gremil Naz, nasa 33 flooding incidents ang naiulat sa lalawigan ng Sorsogon kabilang na ang bayan ng Juban, Casiguran, Bulusan, Gubat, Matnog, at Bulan.
Nasa 22 naman ang naitalang insidente ng pagbaha sa Camarines Sur partikular na sa bayan ng Lagonoy, Siruma, Ocampo, at Buhi.
Lubog rin sa baha ang Vel Amor subdivision sa Legazpi City.
Maliban pa dito, aabot rin sa 15 landslides ang naitala sa ilang bahagi ng Sorsogon, dalawa naman sa Camarines Sur at isa sa Catanduanes.
Sa kasalukuyan inaalam pa kung mayroong mga reported injuries o missing person sa mga lugar na nakapagtala ng malalakas na pagbaha.