TACLOBAN CITY – Nananatili sa ngayon ang aabot sa mahigit 5,000 pamilya sa iba’t ibang evacuation centers sa probinsya ng Samar dahil sa patuloy na paghagupit ng Bagyong Tisoy.
Ayon kay Manuel Van Torrevillas, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Samar, agad na inilikas ang aabot sa 15,000 indibidwal kasunod ng utos ng DILG Regional Office 8 na isailalim sa pre-emptive at force evacuation ang mga residenteng nakatira sa mga critical areas.
Una nang nagkaroon ng kakulangan sa relief goods o pagkain na ipinamahagi sa mga biktima dahil sa hindi inaasahang mataas na bilang ng mga lumikas, pero agad naman itong napunan.
Samantala, ilang mga pagbaha na rin ang naitala sa bahagi ng probinsya partikular na sa Jiabong, Samar.
Nagkaroon na rin ng landslide sa Brgy. Balugo Tarangnan na sa ngayon an nananatiling unpassable.
Patuloy namang kinukompirma ng mga awtoridad ang bilang at halaga ng mga naitalang nasirang istraktura at kabahayan bunsod ng epekto ng Bagyong Tisoy.