-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Department of Social Welfare and Development ang nasa mahigit 5 milyon na mga mahihirap na Pilipinong natulungan nito noong taong 2024.

Ang tulong na ito ay naipamahagi ng ahensya sa pamamagitan ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) program mula Enero hanggang Disyembre ng nakalipas na taon.

Sa naging pahayag ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, pumalo sa 99.31% ang utilization rate ng programa noong 2024.

Ibig sabihin, aabot sa P26.1 bilyon ang nagamit ng Department of Social Welfare and Development para sa pagpapatupad ng programa mula sa kabuuang P26.7 bilyong pondo na inilaan para dito.

Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng tig limang libong cash assistance partikular na ang mga pamilya na mayroong mababang kita.

Nakapaloob rin sa naturang tulong ang medical, funeral, food, at maging ang cash relief assistance.

Kaugnay nito ay siniguro ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na hindi magagamit ang pondong inilaan sa naturang programa para sa pulitika.

Una nang napaulat na maaaring samantalahin ito ng mga pulitiko lalo nat nalalapit na ang halalan ngayong taon.