BACOLOD CITY—Umabot sa 53 ang bilang ng successful blood donors sa isinagawang Dugong Bombo sa Barangay Alicante, EB Magalona, Negros Occidental ngayong araw.
Pasado alas-8:00 kaninang umaga nang nagsimula ang bloodletting activity ng Philippine Red Cross katuwang ang Bombo Radyo Bacolod at EB Magalona Municipal Health Office sa covered court ng Barangay Alicante, EB Magalona.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Glendale Jamile, municipal nurse ng EB Magalona Health Center, nagpasalamat ito sa mga blood donors ng Barangay Alicante dahil napaka-aktibo ang mga ito.
Ayon kay Jamile, magpapatuloy ang bloodletting activity sa kanilang bayan dahil tiniyak ng kanilang alkalde na hindi mauubusan ng suplay ng dugo ang mga taong nangangailangan nito sa kanilang lugar.
Pinasalamatan din ni Jamile ang mga blood donors, barangay officials, Philippine Red Cross members at ang Bombo Radyo.
Nabatid na tumanggap ng Dugong Bombo T-shirt ang mga successful blood donors.
Inanyayahan din nito ang iba pang mga gustong mag-donate ng dugo na makilahok sa susunod na bloodletting activity sa Barangay Tanza, EB Magalona sa darating na Oktubre 17.