KORONADAL CITY – Umabot na umano sa higit limampung libong pirma ng mga taga-South Cotabato ang nalikom ng Empowered- Peoples Initiative and Referendum Movement Alliance o ePIRMA na pumapabor sa isinusulong na pag-amyenda sa ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Ito ang inihayag ni Atty. Remegio Rojas, convenor ng ePIRMA sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Rojas, nasa 55,418 na mga indibidwal na ang lumagda o nasa 13.34% sang total number na mga rehistradong botante mula sa sang segundo distrito ng South Cotabato.
Ang nasabing lagda ay mula sa mga bayan ng Banga, Sto. Nino, Tantangan, Lake Sebu, Norala, Surallah at lungsod ng Koronadal.
Mahigpit na pinabulaanan naman ni Rojas ang pahayag na namimigay sila ng ayuda, bigas at ginagamit ang Displaced Workers o (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang makakalap ng mas marami pang lagda.
Wala din umanong 100 pesos na bayad na kinukuha sa mga tao uapang maka-avail ng benipisyo sakaling magtagumpay na isinusulong na Peoples Initiative.
Maging ang alegasyon na may pundo mula sa tanggapan ni Congressman Peter Miguel ng Segundo Distrito ng South Cotabato ay itinanggi din nito.
Samantala, inamin naman ni Barangay Chairman Marvin Gumbao at kasalukuyang President ng Liga ng mga Barangay Captain sa lungsod ng Koronadal na may ilang mga barangay official na pabor sa panukalang ito ngunit hindi umano sila namimilit ng kanilang constituents na pumirma sa halip binibigyan ang mga ito ng pagkakataon na maunawaan ang usapin at sila na ang boluntaryong maglagay ng kanilang lagda kung sila ay pabor o hindi.
Sa ngayon, mainit na usapin pa rin sa South Cotabato ang isinusulong na Peoples Initiative habang patuloy na nangangalap ng pirma ang mga convenor nito.