BACOLOD CITY – Dumating na sa Bacolod ang 52 na Negrense overseas Filipino workers (OFWs) na stranded sa Metro Manila sa mga nakalipas na araw dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.
Lulan ng RORO vessel na MV St. Leo the Great ang naturang mga OFWs na residente ng lungsod at ng iba’t ibang bayan sa Negros Occidental.
Dumating ang mga ito sa BREDCO Port pasado alas-8:00 kagabi.
Kaagad namang dinala sa healing center sa bayan ng EB Magalona ang mga hindi residente ng Bacolod City.
Samantala, idiniretso sa Graciano Lopez Jaena Elementary School ang mga taga-lungsod para sumailalim sa 14-day quarantine.
Nabatid na karamihan sa mga dumating na OFWs ay mga seafarers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Councilor Israel Salanga, chairman ng Action Team on Returning OFWs, tiniyak nitong kahit sumailalim na sa rapid test ang mga umuwing Bacolodnon, kukuhaan pa rin sila ng swab sample ang mga ito upang matiyak na hindi sila infected ng virus.
Labis naman ang saya ng pamilya ng mga seafarers na kahit hindi nila nalapitan ang kanilang kamag-anak, nakauwi na ang mga ito sa lalawigan.