-- Advertisements --

CEBU CITY – Patuloy pa ngayong inaalam ang sanhi ng nangyaring sunog kagabi sa Sitio Manga 1 Brgy. Tabunok Talisay City kung saan tinatayang nasa 50 hanggang sa 70 pamilya ang apektado.

Sa social media post ni Talisay City Mayor Samsam Gullas, sinabi nitong una na umanong nakapagtala ang City Social Welfare Office ng 55 na pamilyang apektado ng sunog at pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center ng nasabing lugar.

Wala namang naiulat na nasawi sa nasabing insidente.

Una rito, natanggap ng Talisay City Fire Station ang alarma dakong alas-8:00 kagabi, Oktubre 31.

Agad itong itinaas sa first alarm dahil sa magkadikit na kabahayan sa lugar.

Umabot pa ito sa ikatlong alarma kung saan nagresponde na ang mga bumbero ng kalapit na lungsod ng Cebu at Mandaue tulad ng mga mula sa Cebu City Fire Office, Emergency Rescue Unit Foundation, Chinese Fire Brigade, Mandaue City Disaster Risk Reduction and Management Office, at ang Barangay Bulacao Fire volunteers.

Inabot ng humigit-kumulang dalawang oras na pag-apula ng apoy bago idineklarang fireout ng mga bumbero alas-10:50 ng gabi.

Sa ngayon, isinagawa na ang profiling ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod upang matukoy ang bilang ng mga benepisyaryo na kuwalipikadong tumanggap ng tulong na pera at may itinayo na mga tent bilang pansamantalang tirahan sa evacuation site.

Umapela naman si Gullas sa publiko na tulungan ang mga nasunugan.

Tinataya namang aabot sa P191,250 ang pinsalang iniwan ng nangyaring sunog.