-- Advertisements --
ofw REMAINS covid naia pal

Dumating na nitong hapon ng Martes ang dagdag pang 55 mga bangkay ng mga OFW na nasawi mula sa ilang mga lugar sa Saudi Arabia.

Sinasabing 39 sa mga ito ay namatay dahil sa COVID-19 habang ang iba naman ay bunsod sa iba’t ibang uri ng sakit.

Ito na ang ikatlong batch ng mga labi ng mga overseas workers na dumating sa NAIA.

Sakay ang mga ito ng special flight ng Philippine Airlines A330 na lumapag pasado alas-2:00 ng hapon.

Bago dumating sa bansa dumaan muna ang eroplano sa Jeddah, Alkhobar at Riyadh upang ikarga ang mga caskets na naglalaman ng mga labi.

Tinawag naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na makasaysayan ang ginagawang mass repatriation sa mga bayaning OFW na pumanaw sa ibang bansa.

Nagbigay pugay naman si Cacdac sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno na sama-samang nagtutulungan sa naturang hakbang.

OFW remains Saudi OWWA COVID PAL NAIA

“55 fallen Saudi OFWs are home. The third historic mass repatriation effort by the IATF through DOLE-POLO-OWWA, DFA-PE-OUMWA, DOH-BOQ, DOF-BOC, DOTr-MIAA, DILG-PNP-LGUs, and DND-AFP-PAF,” ani Cacdac sa kanyang Twitter post.

Kung maalala nitong nakalipas na July 19 nasa 88 na mga bangkay din ang dumating samantalang nasa 49 naman ang naunang naihatid noong July 10.

Ang mga nasawi sa coronavirus virus ay agad na idiniretso sa crematorium habang ang pumanaw sa ibang mga sakit ay tinulungang dalhin ang mga caskets sa kanilang mga pamilya.