-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Simula kagabi, Lunes, ay suspendido na ang direct flights mula sa Wuhan, China papunta sa Kalibo International Airport.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., ito ay matapos nakabalik na sa Wuhan City ang mahigit sa 500 Chinese tourists na nagbakasyon sa Boracay.

Dalawang airline companies na may direct flight sa naturang lungsod ang sumundo sa mga ito sa apat na batches na nagsimula noong araw ng Huwebes at kagabi ang pinakahuli.

Samantala, kinumpirma ni Engr. Monserate na nagpapatuloy ang direct flights sa paliparan ng Kalibo mula sa iba pang bahagi ng China.

Sa kabila nito, mahigpit ang pagbabantay na ginagawa ng Bureau of Quarantine sa mga pumapasok na pasahero sa paliparan.

Sa kasalukuyan, nananatiling novel corona virus (n-cov) free ang Aklan kahit tatlo sa 11 binabantayang dayuhan sa bansa na itinuturing na “persons under investigation” ay nasa Aklan Provincial Hospital pa rin.