LEGAZPI CITY – Dalawang linggo lamang umano ang lumipas matapos ang pagsabog ng land mine sa Brgy. Anas, Masbate City, nasa 505 na miyembro at supporters ng communist terrorist groups ang sumuko sa island province.
Nagresulta ang insidente sa pagkasawi ng magpinsang Kieth at Nolven Absalon habang isa pa ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office chief Capt. John Paul Belleza, nakapag-trigger umano ang insidente upang mabuksan ang isip ng maraming kababayan at kondenahin ang ilang hindi makatarungang hakbang ng mga grupong sinusuportahan.
Kabilang sa mga mass surrenders ang isang regular na New People’s Army (NPA) member; 221 Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) members; 95 Militiang Bayan (MB) members; 36 Barangay Revolutionary Committee (BRC) members; 84 Ganap na Samahang Masa (GSM) members; 12 Grupong Pang-organisa sa Barrio (GPB) members; 44 Grupong Balangay (GB); at 12 supporters.
Mula pa ang mga ito sa bayan ng Palanas, Dimasalang, Masbate City at Mobo na sumuko noong Hunyo 18 hanggang 28.
Samantala, ikinagalak naman ng tropa ang naging hakbang ng mga ito at hinikayat ang iba pa na magbalik-loob na rin sa pamahalaan.