Tuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng mga OFW na dumarating sa Pilipinas matapos na mawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil sa COVID crisis.
Panibagong 321 na mga distressed Filipinos mula sa Qatar ang dumating sa NAIA sakay ng eroplano na kinuha ng DFA bilang chartered flight.
Mananatili muna ang mga ito sa quarantine sites, habang inaantay ang resulta ng kanilang swab tests.
Bago ito nasa 36 din na mga Pinoy ang dumating kahapon mula sa Myanmar sakay ng sweeper flight.
Ang kanilang sinakyan na Myanmar Airways ang siya ring nagdala ng mga Myanmar nationals na stranded sa Pilipinas pabalik sa kanilang bansa.
Sa kabilang dako, winelcome din naman ng DFA ang nasa 292 na mga Pinoy crew na dumating din sa NAIA.
Ang mga seafarers ay nagtatrabaho sa Marella Cruises and Sea Chefs mula sa United Kingdom.
Nataon naman na ang pagdating ng mga ito ay 10th anniversary ng Day of the Seafarer.
Ayon sa DFA binibigyan nila nang pagpupugay ang sakripisyo at kontribusyon ng mga Pinoy seafarers na bahagi rin ng mga frontliners ng bansa.