-- Advertisements --

Nasa 5,744 barangays nationwide ang isinailalim  sa election watchlists o hotspots dahil sa nalalapit na barangay at SK elections.

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao, sa nasabing bilang nasa 2,025 barangays ang nasa category 1.

Ito ang mga lugar na mayroong intense rivalry sa mga kandidato at may presensiya ng mga private armed groups (PAGs) .

Nasa 3,448 barangays naman ang nasa Category 2, kung saan may intense rivalry sa mga kandidato, mataas ang kaso ng election-related violence, may presensiya ng PAGS at threat groups.

Nasa 271 barangays naman ang nasa Category 3 kung saan lahat ng mga critical factors ay present.

Sinabi naman ni Bulalacao na ang deployment ng kanilang mga tauhan ay nakadepende sa categorization of barangays.

Samantala, nasa 78 na mga aktibong private armed groups ang mahigpit na tinututukan ngayon ng pambansang pulisya na posibleng gamitin ng mga pulitiko para maghasik ng karahasan.

Ayon kay Bulalacao 72 sa mga PAGs ay matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Habang ang anim na grupo ng PAGs ay matatagpuan sa lima pang rehiyon.

Samantalang isa sa Region 1, isa sa Region 3, isa sa Region 4-A, dalawa sa Region 5 at isa sa Cordillera Administrative Region.

Binabantayan din ng PNP ang NPA kung saan nasa 516 na barangays ang may presensoya ng komunistang grupo.

Samantala, ngayong Sabado ire-recall na ng PNP ang lahat ng mga pulis na assigned bilang security escorts ng mga opisyal ng gobyerno at ilang mga pribadong indibidwal.