TACLOBAN CITY – Aabot na sa mahigit 5,000 mga residente sa probinsya ng Northern Samar ang inilikas dahil sa walang humpay na ulan at malakas na hangin na dulot ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Rei Josiah Echano, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Northern Samar, agad nilang pinalikas papunta sa mga activated evacuation centers ang mga residente lalong-lalo na ang malalapit sa mga ilog at dagat gayundin ang mga flood at landslide prone areas sa kanilang probinsya.
Sa ngayon ay naka-preposition na rin ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga apektadong biktima sa bawat bayan ng Northern Samar.
Samantala, nadagdagan na rin ang bilang ng mga stranded sa Allen Port na umabot na sa mahigit 2,000 at mahigit 300 naman ang mga apektadong cargo vessel na hindi na pinayagang magbiyahe.
Nanawagan na rin ang PDRRMO Northern Samar sa Land Transportation Office na hindi na payagang magbiyahe ang mga pampasaherong sasakyan patungong Allen at Matnog Port upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga stranded na pasahero.
Nabatid na nagkaroon na rin ng temporaryong pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang lugar sa nasabing probinsya.