Nasa 5,000 hanggang 10,000 na mga tsuper at operator ng transport cooperatives ang sasama sa “unity walk” bukas Lunes, Agosto 5, para ipahayag ang kanilang pagtutol sa resolusyon ng Senado na nagrerekomenda ng pagsuspinde sa Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Magtitipun-tipon ang mga pro-PUVMP group sa Mabuhay Welcome Rotunda sa Quezon City sa alas-6 ng umaga at magmartsa patungo sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon sa Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (AKKAP MO), magkakaroon din ng sabay-sabay na welga sa ibang bahagi ng bansa gaya ng Cagayan de Oro at Cebu.
Iginiit din ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), na hindi nabigyan ng pagkakataong magsalita ang mga pro-PUVMP group sa pagdinig ng Senado.
Una na rito, 22 sa 23 senador ang lumagda sa isang resolusyon na nananawagan sa pansamantalang suspensiyon ng PUVMP.
Samantala, sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na maglalagay sila ng border controls at checkpoints ngayong gabi bilang paghahanda sa unity walk.
Magpapakalat din daw ang kapulisan ng kanilang mga mobile patrol vehicle sakaling kailanganin ang karagdagang transportasyon.