Ipinagmalaki ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pumalo sa mahigit 50,000 overseas Filipinos ang kanilang napauwi sa bansa nitong nakalipas na buwan.
Sa datos na inilabas ng DFA, umabot sa kabuuang 50,887 overseas Filipinos ang dumating sa bansa nitong Hulyo, kaya lumobo pa sa 115,793 ang bilang ng mga repatriated Pinoys.
Ang nasabing bilang, ayon sa kagawaran, ay nalampasan ang target ng gobyerno na mapauwi ang nasa 50,000 indibidwal.
Sa 50,887 napauwing overseas Filipinos, 35,656 ang nagmula sa Middle East kung saan sa UAE nagmula ang pinakamalaking bilang na nasa 14,948, na sinundan ng Saudi Arabia (11,249), at Qatar (4,664).
Nasa 6,925 overseas Filipinos ang nanggaling sa Asya; 4,943 mula sa Americas; 3,343 mula sa Europe, at 20 mula sa Africa.
Nag-organisa rin ang DFA ng 13 chartered flights nitong Hulyo na nagpauwi sa 4,147 Pinoy mula Japan, Pakistan, Saudi Arabia, Qatar, Lebanon, Malaysia at Vietnam.
Ang ahensya na rin ang sumagot sa gastos sa chartered flights sa pamamagitan ng kanilang Assistance-to-Nationals Fund.
“More than any other time in Philippine history, we have embarked on a repatriation program of unprecedented scale in order to bring home our overseas Filipinos affected by the pandemic. Our duty is far from over as we sustain our efforts to fly home another hundred thousand fellow Filipinos who wish to be repatriated,” wika ni DFA USec. Sarah Lou Arriola.
Samantala, ibinunyag ng DFA na plano nilang mapauwi ang tinatayang nasa 100,000 pang Pilipino sa ibayong dagat sa susunod na dalawang buwan.
“We continue to stand by our promise to bring home every Filipino who wants to come home,” dagdag ni Arriola.