Kinumpirma ng pamunuan ng National Food Authority na nakatakda nilang ibenta sa mga lokal na pamahalaan ang aabot sa mahigit 500,000 na sako ng bigas na matagal nang naka imbak sa kanilang mga warehouse.
Layon ng hakbang na ito na kaagad maidispose ang naturang mga bigas ng sa gayon ay hindi na rin ito tuluyang masira.
Ayon kay NFA administrator Larry Lacson, ibebenta nila ito sa mga lokal na pamahalaan sa mas murang halaga partikular na sa bahagi ng Metro Manila.
Batay sa Republic Act No. 12078 na inamyendahan ng RA 11203 o mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law , ang bigas na umabot na sa mahigit isang buwan na naka imbak ay kailangan nang maidispose para hindi na ito tuluyang hindi mapakinabangan.
Paliwanag ni Lacson, aabot ngayong sa 700,000 bags ng milled rice ang kabuuang stocks nito sa buong bansa.
Ang pagbebenta nito sa mga LGU ay makatutulong rin sa kanilang mga mamamayan na makabili ng murang bigas .
Nakatakda namang magsagawa ng pagpupulong ang NFA council para talakayin kung magkano ibebenta ang NFA na bigas per kilo sa mga LGU.