Umaabot sa mahigit 60,000 persons deprived of liberty (PDLs) o inmates ang napalaya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sagot ito ni Court Administrator Justice Midas Marquez sa pagtatanong ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa deliberasyon ng House committee on appropriations sa P43.44 billion budget ng Judiciary.
Sinabi ni Marquez, tuloy-tuloy ang mga pagdinig ng korte sa iba’t ibang kaso magmula noong Mayo sa pamamagitan ng videoconferencing.
Sa katunayan, nasa 100,000 videoconferencing court hearings na aniya ang naisasagawa ng mga korte sa mga nakalipas na buwan.
Ayon kay Marquez, may success rate ang mga court hearings na ito na 87 percent, at inaasahang maitataas pa nila ito sa oras na mapalakas nila ang kanilang information and communications technology (ICT) infrastructure at systems.
Dahil dito, umaapela si Marquez na dagdagan ng P6.58 billion ang kanilang proposed budget para sa susunod na taon.