LEGAZPI CITY – Umabot sa mahigit 60 mga bahay ang nasira kasunod ng nangyaring magnitude 6.0 na lindol sa island province ng Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense (OCD) Bicol Gremil Naz, sa pinakahuling datos nasa 61 ang mga nasirang bahay kung saan 59 dito ay partially damaged at dalawa ang totally damaged.
Karamihan sa mga ito ay mula sa mga bayan ng Batuan, San Fernando at Palanas.
Nasa 15 na paaralan naman ang nasira kung saan pito ay mula sa bayan ng Uson at walo sa Batuan.
Habang nasa 16 na school non-infrastructure ang nasira kasama na ang 16 na computer sets, 10 furnitures at 130 mga educational materials.
Umabot naman sa anim na imprastraktura ang nagkaroon ng damage kung saan lima ay mula sa Masbate at isa rin sa Sorsogon na kinabibilangan ng mga private establishments asin government facilities.
Paglilinaw ni Naz na posible pang madagdagan ang naturang bilang dahil nagpapatuloy pa ang isinasagawang assessment.
Tuloy-tuloy din ang pagsasagawa ng ‘psychosocial intervention’ ng mga frontliners sa mga biktima upang mabawasan ang nararanasang takot at trauma.
Samantala, hinhintay na lamang ng opisina na dumating ang hiniling na chopper sa Southern Luzon Command upang makapagsagawa na ng aerial assessment at malaman kung gaano kalaki ang iniwang pinsala ng lindol sa lalawigan.