Nakatakdang ilunsad ng Department of Transportation ang mahigit 600 kilometers na Davao Public Transport Modernization Project sa lungsod ng Davao.
Ayon sa DOTr, ang naturang proyekto ay tinatawag ding Davao Bus Project.
Ito ay isang hiwalay na proyekto ngunit isang komplementaryo sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno.
Sa ilalim ng proyektong ito, magtatatag ng dedicated bus lanes, depots at terminals sa route network gamit ang mga modernong bus na tumatalima sa PUVMP.
Paliwanag ng DOTr, ang Davao Bus ay isang 672-kilometrong proyekto na kinabibilangan ng siyam na ruta na ikokonekta sa mga pangunahing lugar sa Davao City, Panabo City at Davao del Norte.
Una nang sinabi ng ahensya na ang pangunahing layunin ng PUVMP ay upang makapagbigay ng ligtas at kaginhawahan sa mga Filipino commuters.
Layon rin nito na mapabuti ang kalagayan ng transportasyon ng bansa at maitaas ang kapakanan ng mga transport operator at driver.
Pagsapit nga ng Enero 31 ng kasalukuyang taon, hindi na papayagang pumasada ang mga driver at operator na hindi nakapag consolidate.
Ito ay alinsunod na rin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board circular.
Paglilinaw naman ni Office of Transportation Cooperative Chair Andy Ortega na maaari pa ring maging bahagi ng transport cooperatives ang mga operator at driver ng PUV at ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan pagkatapos ng deadline sa Enero 31.
Dagdag pa ng opisyal na ang mga operator ay maaari ding sumali sa transport cooperatives at corporations dahil ang ilan sa mga ito ay mga driver ng kanilang sariling mga PUV.
Batay sa datos ng LTFRB, sa pagtatapos ng Disyembre 2023, 105 na grupo ang sumali sa PUVMP ng gobyerno.