BAGUIO CITY – Tinanggihan ng ilang mga residente sa isang barangay sa bayan ng Bakun, Benguet ang natanggap nilang cash assistance mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan para sa mga mamamayan na apektado ng COVID-19 pandemic.
Batay sa report ng lokal na pamahalaan, aabot sa 35 pamilya sa Gambang, Bakun, Benguet ang hindi nag-avail sa slots ng mga ito sa SAP.
Anila, naniniwala sila na nasa kanila ang ilan sa mga alituntunin para madiskwalipika sa programa ang isang indibiduwal.
Sinabi nila na ginawa nila ang nasabing pagtanggi para maibigay ang tulong pinansiyal sa mga mas nangangailangan o kwalipikado sa programa.
Ipinagmamalaki naman ng lokal na pamahalaan ng Bakun ang nasabing hakbang ng kanilang mga nasasakupan sa kabila ng katotohanang apektado din ang mga ito sa kasalukuyang krisis.
Samantala, ibinalik naman ng higit 30 pamilya sa bayan ng Paracelis, Mountain Province ang tulong pinansiyal na natanggap nila mula sa SAP.
Ani Mayor Marcos Ayangwa, boluntaryong ibinalik ng mga nasabing pamilya ang natanggap nilang pera matapos mabasa at mapag-aralan ang mga guidelines ng programa.
Ibibigay aniya ang naibalik na halaga sa mga mas kwalipikadong pamilya sa kanilang bayan.