Aabot sa mahigit 6,000 motorcycle riders ang hinuli ng mga otoridad dahil sa paglabag sa barrier protocol o ang backriding na inaprubahan ng National Task Force for COVID-19 nitong July 9.
Ito ang kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano.
Ayon kay Ano, ang inaprubahan ng NTF sa motorcycle backriding ay ang paggamit ng prototype barrier pero para lamang sa mga mag-asawa, common-law couples at live-in partners.
Sinabi ng kalihim nasa 6,476 ang inaresto ng mga pulis na motorsiklo na walang naka-install na barrier at hindi mag-asawa.
Dagdag pa ni Ano na kanilang pinalawig ang mandatory installation ng safety barriers hanggang July 26, at July 27 magsisimula nang mag-isyu ang mga otoridad ng citation tickets para sa mga violator.
Paglabag sa Republic Act (RA) 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health, Events of Public Health Concern Act, partikular ang Section 9 o ang non-cooperation of persons and entities affected by health events ang ipapataw ng pulisya.
Sa kabilang dako, ayon kay Joint Task Force Covid Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na sapat na ang palugit na dalawang linggo para i-comply ng mga motorcycle riders na maglagay ng barrier.