Kinumpirma ng Philippine National Police na aabot sa 6,256 na mga pulis ang pinarusahan matapos mapatunayang guilty ng PNP Internal Affairs Service sa iba’t ibang paglabag sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Internal Affairs Service Director General Brigido Dulay, mula sa natukoy na bilang, 572 na mga pulis ang inirekomenda sa madismis sa serbisyo, 260 ang na demote ang ranggo at 141 ang sinuspinde.
Ang iba naman ay tinanggalan na karapatang makuha ang kanilang pribilehiyo at iba pang parusa.
Sinabi ni Dulay na ang datos na ito ay kanilang nakalap mula July 1, 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Aniya, ang mga pulis na ito ay napatunayang guilty sa grave misconduct hanggang sa simpleng misconduct lamang.
Ang pinakamataas na pulis na napatawan ng parusa ay isang koronel ngunit hindi na kinilala ang pulis at hindi rin binanggit ang parusa nito.
Karamihan sa mga pulis na napatunayang nagkasala ng mga kasong administratibo ay mga non-commissioned officers (PNCOs), o mga may hawak na ranggo ng patrolman hanggang sa executive master sergeant.