CEBU CITY – Idineklara ng Cebu City Disaster Risk Reduction Mitigation and Management Council (CCDRRMMC) na danger zone ang 2.5-ektaryang radius ng landslide site sa Sitio Garahe sa Barangay Busay at limang ektarya sa Sitio Giilagila sa Barangay Bonbon.
Ito ay matapos inspeksyunin ng Mines and Geosciences Bureau Central Visayas (MGB-7) ang lugar nitong nakalipas na araw.
Labing-apat na pamilya sa Busay at 40 pamilya sa Bonbon ang inutusang lumikas kaagad at lumipat sa mga pampublikong paaralan o sports complex sa barangay.
Hinihiling sa Office of the Mayor na utusan ang barangay tanod, pulis at mga miyembro ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na ipatupad ang nasabing kautusan.
Ayon kay Mayor Michael Rama, babalik lamang ang mga residente ng ilang tahanan kung makikita sa resulta ng soil test na hindi na nanganganib sa panibagong landslide ang lugar.
Samantala, ipinagbawal ng alkalde ang mga heavy equipment at six-wheel vehicles at mas mabigat sa mga apektadong lugar.
Sa panig naman ng biktimang si Janet Famador, nakatanggap sila ng tulong at cash mula sa gobyerno.
Bukod dito, napag-alaman niyang posibleng magbigay ng tulong mula sa kaban ng bayan ang pamahalaang lungsod para sa ilang relokasyon at iba pang matutuluyan lalo na kung babalik sila para magtayo ng bahay sa nabanggit na lugar.