LEGAZPI CITY- Natanggap na ng mahigit 700 na mga evacuees mula sa Guinobatan, Albay ang unang tranche ng kanilang sahod mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD).
Ayon kay Department of Labor and Employment Bicol spokesperson Johana Vi Gasga sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatakda na ring sumunod ang iba pang mga benepisyaryo ng programa sa ilan pang mga bayan at lungsod na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Paliwanag ng opisyal na hinati sa ilang tranche ang pagbibigay ng naturang sahod upang may matanggap na pinansyal na asistensya ang mga ito sa loob ng 30 araw na pagtatrabaho.
Nabatid na ang local government units ang katuwang ng naturang ahensya sa naturang programa upang maging maayos ang pagmamahagi ng pondo.
Ayon sa opisyal, mahigit P57.4 million ang inilaan na pondo ng pamahalaan para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced program kung saan mahigit 5,000 ang benipisyaryo nito.
Ayon kay Gasga, isang miyembro kada pamilya ang pinayagan na magtrabaho sa ilalim ng programa subalit posibleng madagdagan pa ang benipisyaryo kung magkakaroon ng karagdagang pondo.