Nasa 42 iba’t ibang insidente na ang naitala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) mula sa anim na rehiyon na apektado ng Tropical Depression Josie.
Sa ulat na inilabas ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas, ang mga naitalang insidente ay landslide, malakas na hangin, soil erosion, coastal erosion, pagguho ng mga imprastraktura at maritime incidents mula sa Region 1, Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 6 at CAR.
Nasa 158,509 pamilya naman, o 728,003 indibidwal, ang apektado mula sa 585 barangays sa Region 1,3, Calabarzon, Mimaropa, region 6, CAR at NCR dahil sa malakas na pag-ulan.
Sa nasabing bilang, 53,798 pamilya, o 229,240 katao, na ang binigyan ng ayuda sa loob at labas ng 99 na mga evacuation centers.
Sa ngayon wala pang naitalang casualties ang NDRRMC.
Pitong siyudad o munisipalidad naman na rin ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyo, kabilang na ang Asipolo at Lagawe, Ifugao, at Dagupan City sa Pangasinan.
Nasa 92 naman na mga pasahero, at dalawang motorbancas sa pier ng Pasacao at Infanta ang stranded.
Tatlumpung road sections at apat na tulay naman ang apektado sa Region 1, 3, 6Â at CAR dahil sa malawakang pagbaha.
Sa ngayon, nasa 334 na mga lugar ang nakakaranas ng pagbaha mula sa anim na rehiyon ng bansa.
Nakapagtala na rin ang NDRRMC ng 156 kabahayan ang damaged kung saan siyam dito ang totally damaged habang 147 ang partially damaged sa region 3, 6 at CAR.