-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nananatili ngayon sa iba’t ibang evacuation area sa apat na lalawigan sa bansa ang higit sa 71, 000 katao dahil sa Bagyo Tisoy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) – Office of the Civil Defense (OCD) spokesman Mark Timbal, sinabi nito na base sa huling tala ng NDRRMC, aabot na sa 71, 362 katao ang inilikas na sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Region 8 dahil sa nasabing bagyo.

Nilinaw naman ni Timbal na ang mga inilikas o isinailalim sa pre-emptive evacuation ay ang mga residenteng natukoy na naninirahan sa mga delikadong lugar kagaya na lamang ng mga nasa flashflood at landslide prone area.

Tiniyak naman ng opisyal na noong nakaraang linggo pa nakahanda ang kanilang opisina at ang iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa pananalasa ng nasabing bagyo kung kaya’t tiwala itong sapat ang mga nakahandang stockpiles ng mga relief items na nasa field offices ng Department of Social Welfare and Development, pati na ang mga food at non-food items na nasa central office ng DSWD.