Nasa 76,698 police personnel o halos 35 percent ng kabuuang pwersa ng PNP na nasa 220,052 ang naisalang na sa RT-PCR test.
Ito ang iniulat ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support on COVID-19 Operations Task Force commander, PLt. Gen. Guillermo Eleazar.
Sa nasabing bilang, 2,201 o mahigit 65 percent ng personnel na naka-assign sa National Headquarters; 23,549 naman sa National Support units; at 50,948 sa mga Police Regional Offices, ang na-test na.
Magugunitang ipinag-utos kamakailan ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang pagpapalawak ng testing sa mga tauhan ng PNP upang maagang ma-detect at maagapan ang pagkalat ng COVID sa kanilang hanay.
Dahil sa maagang pag-detect ng mga kaso ng COVID-19, nasa 8,415 mula sa 8,753 na nagpositibo ang nakarekober na.
Ito ay katumbas ng recovery rate na 96.14 porsyento.
Sa tala ng ASCOTF, as of 6pm kahapon, nasa 311 nalang ang aktibong kaso ng COVID sa hanay ng PNP, kung saan 296 ang nasa quarantine facility, at 15 ang nasa ospital.