ROXAS CITY – Higit sa 8,000 na ektarya ng mga pananim ang apektado ng tagtuyot sa lalawigan ng Capiz.
Ito ay base mismo sa datos na nakalap ng Office of the Provincial Agriculturist sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Provincial Rice Program Coordinator Amefil Sagge, inihayag nito na kabuuang 8,170 mga magsasaka na ang dumulog sa ahensiya dahil sa epektong dulot ng tagtuyot sa kani-kanilang sakahan.
Base sa damage assessment report ng ahensya, umaabot na sa higit P340-milyon ang kabuuang danyos sa mga sakahan sa lalawigan dahil sa epekto ng tagtuyot.
Dahil dito, nakatakdang puntahan ng Department of Agriculture (DA) ang mga lugar na apektado ng tagtuyot upang magsagawa ng kanilang validation.
Sa pamamagitan nito, malalaman ng ahensiya kung ilang magsasaka na apektado ng El Niño phenomenon sa lalawigan ang makatatanggap ng kaukulang tulong mula sa gobyerno.