-- Advertisements --
image 516

LEGAZPI CITY – Hiling ngayon ng lokal na pamahalaan ng Camalig ang panibagong augmentation para sa dagdag na puwersa sa nagpapatuloy na buwis-buhay na retrieval operations sa mga biktima ng bumagsak na Cessna plane malapit sa bunganga ng bulkang Mayon.

Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa naibababa ang labi ng apat na sakay ng eroplano mula sa dalisdis ng bulkan dulot ng sama ng panahon.

Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, nasa mahigit 80 mga tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection ang kinakailangang dagdag puwersa dahil pahirapan pa rin ang isinasagawang operasyon.

Isinaalang-alang din kasi ang pagod ng mga responders na ilang araw ng nasa taas ng bulkan, na sinasabayan pa ng matinding buhos ng ulan.

Aminado ang opisyal na maraming ‘challenges’ na kinakaharap ang mga rescuers kabilang na ang pabago-bagong panahon, malambot na lupa, dumadaosdos na mga bato at buhangin, at kasalukayang status ng bulkang Mayon na nasa Alert Level 2 pa.

Dahil dito ay wala pang katiyakan kung kailan tuluyang matatapos ang nagpapatuloy na retrieval operations at maiuwi ang labi ng mga biktima sa naghihintay nitong mga pamilya.