CENTRAL MINDANAO- Sa kabila ng pag-alma ng ilang mga motorcycle riders sa implementasyon ng “No Barrier, No Backride” policy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsimula nitong sabado, August 1, 2020, istrikto sa pagpapatupad nito ang Cotabato Police Provincial Office (CPPO).
Ayon sa CPPO, nasa 89 katao sa buong lalawigan ang naisyuhan ng citation ticket sa hindi pagsunod sa naturang polisiya.
Nasa 47 rito ang nahuling walang nakalagay na barrier kahit na authorized o asawa, live-in partner o immediate family ang angkas nito kung saan 21 ay mula sa Banisilan, 10 sa Pres. Roxas, 9 sa Carmen, 5 sa Pigcawayan at dalawa sa Pikit.
Ang 20 nahuli naman ay maliban sa walang barrier, unauthorized pa ang angkas kung saan nakapagtala ang Pigcawayan at Pres. Roxas ng sampong kaso nito bawat bayan.
Dagdag pa ng CPPO, may ilang riders naman ang naisyuhan ng citation ticket kahit na may nakalagay na barrier dahil wala naman itong maipakitang mga kaukulang dokumento na nagpapatunay na sila ay mag-asawa, live-in partner o immediate family.
Samantala, nasa 22 naman ang nasita ng kapulisan kung saan pinakamarami ang Pigcawayan na may 20 habang ang dalawa naman ay sa Carmen.