Iniulat ng Department of Migrant Workers na nakabalik na ng Pilipinas ang aabot sa kabuuang 84 OFWs mula sa Israel.
Sila ay kabilang sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas.
Ayon sa ahensya, aabot na sa 972 OFWs at 28 dependents ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na sa bansa mula sa simulan ang voluntary repatriation program noong Oct.18 ng nakalipas na taon.
Sinalubong naman ng mga kinatawan ng gobyerno ang naturang mga OFWs at kaagad na inabutan ng kaukulang tulong.
Sa isang pahayag, sinabi ni Migrant Secretary Hans Leo Cacdac na walang patid ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs para masigurong ligtas ang mga OFWs sa Middle East.
Batay sa datos, aabot sa mahigit 2,000 na mga OFWs sa bahagi ng Northern Israel habang pinapayuhan ang mga ito na sumunod sa paalala ng Embahada ng Pilipinas at mga otoridad sa Israel.