Nasa kabuuang 842 vaccinators mula sa PNP Health Service at Medical Reserve Force (MRF) ang idineploy ng Philippine National Police (PNP) para makiisa sa ikalawang bugso ng “Bayanihan, Bakunahan” program ng gobyerno na nagsimula kahapon December 15 hanggang December 17,20221.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt.Gen. Joselito Vera Cruz, sa nasabing bilang na kanilang dineploy na mga vaccinators, 71 dito ay mga Health Service personnel at 771 naman ay mga Medical Reserve Force (MRF) personnel.
Sinabi ni Vera Cruz, tatlong PNP vaccination sites lamang ang binuksan sa 2nd wave ng “Bayanihan, Bakunahan”, ito ay sa Region 4-A at dalawa sa NCR ito ay sa Camp Caringal sa Quezon City Police District (QCPD) at sa Police Station 13 ng QCPD.
Bukod sa deployment ng mga vaccinators, nag deploy din ang PNP ng mga personnel para magbigay seguridad sa ibat- ibang vaccination sites sa buong bansa.
Samantala, zero case o walang naitalang bagong kaso ngayong araw ang PNP, December 16,2021
Sa datos ng Health Service, nasa 25 ang total active cases ngayon sa PNP at nasa tatlo ang naitalang gumaling sa sakit.
Nananatili naman sa 125 ang binawian ng buhay sa PNP.
Sa kabilang dako, patuloy naman ang ginagawang panghihikayat ng PNP ASCOTF sa kanilang mga personnel na tumangging magpa bakuna ng Covid-19 vaccine.
Sa ngayon nasa 0.59% o 1,555 personnel na lamang ang ayaw magpabakuna kung saan nasa 790 ang may balidong rason at nasa 765 ay walang valid reason.
Sa kabuuan pumalo na sa 400,250 ang total doses ng Covid-19 vaccine ang na-administered sa PNP.
Umabot na sa 213,924 Police personnel o 94.86% ang fully vaccinated laban sa Covid-19.